MANILA – Pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang publiko na panatilihin ang pagsunod sa minimum health standards, sa gitna ng banta ng bagong variant ng SARS-CoV-2 o virus na nagdudulot ng COVID-19.
Pahayag ito ng ahensya matapos lumabas sa pag-aaral ng mga scientist sa Britanya, na maaaring mas nakakahawa ang bagong variant sa mga bata o menor de edad.
“Whether it happens sa matatanda, bata, teenagers, kung gagawin ng lahat yung minimum health standards, whatever variant there may be, strain or mutation tayo ay mapoprotektahan against this virus,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Dr. Neil Ferguson, professor at infectious disease epidemiologist sa Imperial College, London, may mga datos nang nagpapakita na mas madaling mahawaan ng new virus variant ang kabataan.
“There is a hint that it has a higher propensity to infect children,” ani Ferguson, na miyembro rin ng New and Emerging Respiratory Virus Threats Advisory Group (NERVTAG).
“We haven’t established any sort of causality on that, but we can see it in the data. We will need to gather more data to see how it behaves going forward.”
Nakarating na raw sa DOH ng Pilipinas ang report, pero nilinaw ni Usec. Vergeire na hindi pa pinal ang pag-aaral at kailangan pang dumaan sa pagsusuri ng iba pang eksperto.
Sa kabila nito, kinikilala naman daw ng ahensya ang pag-aaral ng mga scientists para magabayan ang pamahalaan sa mga ipapatupad na polisiya.
“We have discussed this with our technical advisory group of experts, may mga pediatrician tayo dyan.”
“Kapag ang isang article hindi pa tapos doon sa proseso ng research, halimbawa, wala pang peer review, hindi pa natin maco-consider as official evidence, althought its providing us with these details at talagang nagiging guidance natin on how are we going to manage the cases here in the country.”
Aminado ang Health spokesperson na sa ngayon, karamihan pa rin ng COVID-19 cases sa Pilipinas ang mula sa “younger age group” dahil sila ang madalas na lumalabas ng bahay para sa trabaho at mga serbisyo.
Pero kung titingnan namn daw ang datos ng mga nasa malalang kondisyon, mas marami pa ring severe at critical cases na nasa “older age group.”
Ani Usec. Vergeire, malaking bagay ang naturang pag-aaral lalo na’t kaka-suspinde lang ng planong “face-to-face classes” ng mga estudyante ngayong buwan.
“At least with these kinds of evidence na lumalabas sa ibang bansa, we are assured that we can still prevent itong ganitong sitwasyon dahil ang mga bata hindi pa natin papapasukin.” (with reports from Reuters)