Inaasahan na papalo sa 10,000 hanggang 11,000 na bagong COVID-19 cases sa National Capital Region ngayong araw ng Huwebes, Enero 6, 2022, ayon sa OCTA Research group.
Sa kanyang Twitter account, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na sa buong bansa inaasahang papalo ang bagong COVID-19 cases ngayong araw sa 15,000 hanggang 16,000.
Pagsapit ng Biyernes, sinabi ni David na maaring lagpas sa 20,000 na bagong mga kaso ang maitatala sa Pilipinas.
Base sa January 6, 2022 report ng OCTA, ang daily positivity rate sa NCR ay nasa 45 percent hanggang noong Enero 4.
Kahapon, 10,775 pang COVID-19 infections ang naitala sa bansa, dahilan para umakyat ang total caseload sa 2,871,745.
Ang NCR pa rin ang siyang nangunguna sa mga rehiyon na mayroong pinakamaraming naitalang bagong COVID-19 cases sa nakalipas na dalawang linggo sa 7,420, na sinundan ng Region 4-A at Region 3.
















