KALIBO, Aklan – Sa kauna-unahang pagkakataon sa Aklan, sa loob na ng isang ospital itinuloy ang dapat na church wedding ng magkasintahan.
Pinangunahan ito ni Fr. Jude Rebaldo, parish priest ng St. Joseph Spoused of the Blessed Virgin Mary Church sa Banga, Aklan.
Inakala umano ng bride-to-be na si Mrs. Kate Iturralde na buwan pa ng Disyembre siya manganganak, subalit habang naghahanda para sa kasal na gaganapin sana dakong alas-2:00 ng hapon ay nakaramdam siya ng pananakit ng tiyan dakong alas-10:00 ng umaga.
Sa halip na bridal car, sinundo ito ng ambulansiya papunta sa isang pribadong ospital sa bayan ng Kalibo at makalipas ang dalawang oras ay isinilang na nito ang kanilang baby girl.
Matapos mabatid ni Fr. Jude ang pangyayari, ito na ang kusang pumunta sa ospital at isinagawa ang wedding ceremony sa private room ng pasyente kasama ang groom na si Jed Iturralde.
Sinaksihan ito ng ilang miyembro ng pamilya at staff ng ospital na nagpalakpakan at naghiyawan kasunod ng anunsyo ng pari na “you may now kiss the bride.”
Matapos din ang “go signal” ng mag-asawa, isinabay na lamang ni Fr. Jude ang binyag ng new born baby.
Pagkatapos ng pag-iisang dibdib, itinuloy ang bonggang handaan sa bahay ng bride sa Barangay Bacan, Banga.