BACOLOD CITY — Hindi pa nakikilala ang babae na natagpuang palutang-lutang sa irrigation canal sa Hda. Aurillo, Purok Green Hills, Barangay Atipuluan, Bago City, Negros Occidental kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod sa imbestigador ng Bago City Police Station na si Police Staff Sgt. Erwin Jamandre, sinabi nitong dakong alas-2:00 kahapon nang matagpuan ang bangkay ng biktima na palutang-lutang sa irigasyon.
Nakasuot lamang ito ng pedal shorts na kulay asul at wala nang pang-itaas na damit.
Nakatali din ang mga kamay nito gamit ang t-shirt at bra na parehong kulay pula.
Dagdag pa ni Jamandre, mayroon ding nail polish na kulay pula ang biktima at singsing na may bato na kaparehas na kulay.
Kinumpirma ng imbestigador na walang sugat ang biktima.
Hindi pa masasabi sa ngayon ng pulisya kung pinagsamantalahan ang naturang babae.
Isasailalim ang bangkay nito sa post-mortem examination at kung mayroong mag-claim na pamilya, hihingi din ng pahintulot ang awtoridad na ipa-autopsy ito upang malaman ang sanhi ng kanyang pagkamatay.