KALIBO, Aklan — Ipinagdiwang ng ilang mga kaibigan ng 23-anyos na estudyante ang kanyang graduation habang naka-confine sa isang ospital sa Kalibo, Aklan.
Si Mary Jane Plaza, tubong Isla ng Boracay ay nagtapos kahapon, Hulyo 11, 2022 bilang cum laude sa kursong BSEd major in Mathematics sa Aklan State University – Banga Campus.
Dahil sa kanyang kalagayan at hindi pa pinayagang makalabas ng ospital, minabuti ng kanyang mga kaibigan na sorpresahon ito sa ospital. Pinasuot ng toga at medalya at binigyan ng bulaklak.
Nabatid na ang estudyante hay sumailalim sa operasyon sa ulo matapos tamaan ng malaking bato sa noo na naging sanhi ng pagputok ng kanyang bungo.
Nangyari ang insidente noong nakaraang Hunyo 27 ng gabi habang sakay ng isang pampasaherong van ang biktima mula sa bayan ng Ibajay at pauwi na sana sa Isla ng Boracay nang mapag-tripan ng isang lasing na batuhin ang kanilang sasakyan.
Samantala, sinabi ni Loren Joy Plaza, kapatid ng dalaga na maari na sanang makalabas si Mary Jane ngunit kulang pa ang kanilang pambayad sa ospital.