Pinag-iinhibit ni dating Sen. Bongbong Marcos ang isa sa mga mahistrado ng Korte Suprema sa nakabinbin pa ring election protest niya laban kay Vice President Leni Robredo.
Personal na nagtungo sa Supreme Court (SC) si Marcos para ihain ang kanyang Strong Manifestion with Extremely Urgent Omnibus Motion.
Sa mosyon, nais ni Marcos na mag-inhibit si Associate Justice Marvic Leonen.
Ibig sabihin, gusto ni Marcos na hindi makisali si Leonen sa lahat ng mga proceeding o pagdinig sa kanyang protesta.
Ayon kay Marcos, may well-documented bias daw si Leonen laban sa kanya at kanyang pamilya.
Inupuan lamang din daw ni Leonen ang poll protest.
Hiniling din ni Marcos sa SC na tumatayong Presidential Electoral Tribunal (PET) na i-reraffle ang kaso at resolbahin na ang lahat ng mga pending incidents na may kinalaman sa protesta.
Hindi naman nagpaunlak ng panayam si Marcos.
Si Marcos ang tinalo ni Robredo sa nakalipas na 2016 vice presidential race.
Pero ayon kay Marcos, kUwestyonable ito kaya naghain ng election protest.
Sa ngayon, aabot na sa apat na taon at siyam na buwan ang protesta ni Marcos laban kay Robredo.