CAUAYAN CITY – Nasugatan ang isang tsuper ng motorsiklo na pumailalim sa isang elf truck na nabangga ng Army truck sa tulay sa Palattao, Naguilian, Isabela.
Ang biktima ay dinala sa ospital para malapatan ng lunas.
Ang nasabing aksidente ay nagdulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa national highway sa nasabing bayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Ryan Moreno, company driver na nagmaneho sa elf truck na patungo sila sa Cauayan City kasama ang katrabaho nang mabangga sila ng kasalubong na Army truck na na sinasabing galing sa kanilang kampo sa Soyung Echague, Isabela at patungo sa Camp Melchor dela Cruz sa Upi, Gamu, Isabela.
Ayon kay Moreno, nag-overtake umano ang truck sa isang sasakyan ngunit dahil sa mabilis na takbo ay hindi agad nakabalik sa tamang lane kaya bumangga ito sa kanyang minamanehong sasakyan.
Sa lakas ng impact ay tumaas ang likurang bahagi ng elf at ang motorsiklong sumusunod ay pumailalim dito na naging sanhi ng pagkasugat ng tsuper ng motorsiklo.
Tumaligid naman ang Army truck at nasaktan ang tsuper nito.
Nagpapasalamat si Moreno na hindi nahulog sa tulay ang minamanehong sasakyan at hindi sila nasugatan ng kanyang kasama.