CEBU CITY -Sa kulungan ang bagsak ng mag-ina matapos ang ginawang pagresponde ng mga otoridad sa isang armadong tao kahapon, Nobyembre 18, sa Sitio Beavers, Brgy. Day-as nitong lungsod ng Cebu.
Nakilala ang mga naaresto na sina Robert Baguio Bicbic, 20 anyos at ina nito na si Charmie Baguio Bicbic, 48 anyos, kapwa residente ng nasabing lugar.
Una rito, nakatanggap ang pulisya ng ulat kaugnay sa isang armadong tao kaya agad nila itong nirespondihan.
Ngunit nang arestuhin na ang binata ay pinalo ng ina gamit ng isang kahoy ang arresting officer at tinamaan ito sa likod.
Isinugod naman sa Cebu City Medical Center ang anak dahil sa tama ng baril na natamo sa kanyang hita nang nag-backfire ang kanyang baril.
Nakumpiska ng mga pulisya ang isang Homemade .22 Caliber Revolver na walang Serial Number; tatlong live ammos at dalawang empty shells sa cylinder nito.
Nasa kustodiya na ngayon ng Parian Police Station Custodial facility ang mga suspek habang nakabinbin ang pagsasampa ng kaso at turn-over sa korte.