-- Advertisements --

Nagbabala si House Appropriations Committee Chairman Isidro Ungab sa posibleng pagkadiskaril ng kanilang schedule sa pag-apruba ng General Appropriations Bill (GAB).

Ito’y matapos harangin ni Deputy Speaker for Finance LRay Villafuerte ang pagsalang ng 2020 national budget sa first reading sa plenaryo ng Kamara noong nakaraang linggo.

Sa kanyang liham kay Villafuerte, iginiit ni Ungab na “established procedure and practice” na ng House appropriations committee ang pagbalangkas ng GAB pagkatapos na maisumite ng Ehekutibo ang National Expenditure Program (NEP).

Bukod sa patapos na ang printing ng tinatawag na APO-NEDA sa GAB, tuloy pa rin ang mga naka-schedule na budget briefings na nakatakdang matapos sa darating Setyembre 6 para magawan na rin ito ng Committee report sa Setyembre 10.

Sa katunayan, itinakda na rin aniya na magsimula sa Setyembre 12 ang plenary deliberations sa panukalang pondo para sa susunod na taon at target na maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Oktubre 4.

Tiyak na maapektuhan aniya ang schedule nila na ito ng mungkahi ni Villafuerte na bawiin at amyendahan ang inihaing House Bill 4228.

Samantala, umaapela rin si House Deputy Minority Leader at Bayan Muna Party-list Rep. Carlos Isagani Zarate na suspendihin muna ang deliberasyon ng Kamara sa 2020 proposed national budget.

Sinabi ni Zarate na dapat ihinto muna ang ginagawang budget briefing ng komite habang hindi pa naihahain muli ang panukala para sa pambansang pondo sa susunod na taon.

Nangangamba ang kongresista na maging “prelude” sa budget insertion ang tuloy-tuloy na briefing na ginagawa rito.

Giit ni Zarate, kailangan din mahimay ng husto ang 2020 proposed budget upang sa gayon ay matiyak na wala itong nilalamang pork barrel, lumpsum, intelligence, o maging confidential funds.