Hinimok ng isang mambabatas ang Kongreso na kaagad talakayin at aprubahan ang mga nakabinbin na panukalang batas na naglalayong palakasin ang Republic Act No. 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009.
Ginawa ito ni Rizal 2nd District Rep. Fidel Nograles sa gitna ng mga ulat hinggil sa pagbebenta ng mga estudyante ng mga malalaswang litrato at videos para makalikom ng pera na gagastusin naman sa kanilang pag-aaral sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Nograles, may-akda ng House Bill No. 7633 o ang Anti-Sexual Abuse and Exploitation of Children Act of 2020, hindi dapat hinahayaang masangkot sa prostitusyon ang mga kabataan.
Sa ngayon, sa ilalim ng Section 9 ng R.A. 9775, pinapayagan ang mga internet service providers na mag-install ng software na maaring humarang nang access at transmittal ng child pornography.
Sa probisyon ng naturang batas, inoobliga ang mga internet service providers na ipagbigay alam sa mga otoridad sa loob ng pitong araw matapos na may matuklasan na internet address na naglalaman ng child pornography.
Subalit ayon kay Nograles, inirereklamo ng mga telecommunication companies na balakid para sa kanilang pag-aksyon ang naturang probisyon dahil sa hindi naman sinasabi rito ang kanilang papel sa pag-monitor at block sa mga user, subscriber o customer na sangkot sa child pornography.
Layon din ng panukalang inihain ni Nograles na ipagbawal nang makapasok ng bansa ang mga foreign nationals na sangkot sa anumang sex-related offenses.