BUTUAN CITY – Ibinulalas ng isang Amerikano ang kanyang pagkadismaya sa umano’y garapalang kurapsyon ng Land Transportation Office o LTO-Caraga na nakabase sa Butuan City matapos itong subukang kikilan ng 3 beses nang magsadya sa naturang tanggapan para sana palitan ng Philippine driver’s license ang kanyang American driver’s license.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Butuan, inihayag ni alyas Cris na nais niyang magagamit ang kanyang lisensya dito sa Pilipinas dahil limang buwan na siyang nakatira nitong lungsod matapos makapag-asawa ng isang Butuanon.
Sa unang sadya umano niya sa nasabing tanggapan ay hindi siya pinapasok ng guwardiya, bagkus ay ini-refer siya sa isang fixer na nasa labas kung kaya’t umuwi na lamang ito.
Nang muling magbalik ay hindi na siya lumapit sa gwardiya at dumiretso na sa mesa na may empleyado upang magiyahan ngunit hiningan siya ng P6,000.00 kung kaya’t umuwi pa rin siya.
Huli niyang punta ay nitong Biyernes kungsaan nagpasama na siya ng kaibigan ngunit tinanong na siya ng empleyado kung magkano ang kanyang budget sabay sabi na aabot sa P9,500.00 ang kanyang babayaran pra lang sa kulang niyang mdeical certificate kung kaya’t kinuha niya ang mga papeles at umuwi sabay post ng kanyang hinanaing sa social meddia na kaagad namang nag-trending.