-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Dahil sa hindi pagkakaintindihan ay binaril ng isang ama ang kanyang anak sa Quirino, Bagabag, Nueva Vizcaya

Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaster Sgt. Jayson Naval ng Bagabag Police Station, kinilala ang suspek na si Lohegrin Umaguing, 57 anyos, may asawa habang kinilala naman ang biktimang anak nito na si Grinzen Umaguing, 30 anyos, walang trabaho at kapwa residente ng nasabing lugar.

Sa imbestigasyong isinagawa Bagabag Police Station, nagkaroon ng hindi pagkakaunawaan na nauwi sa pamamaril ang sagutan ng mag-ama.

Pinagtaasan umano ng boses ng biktima ang kanyang ama dahil sa paratang na sinasaktan ang kanyang apo na anak ng biktima.

Nagtamo ng tama ng bala ng baril sa likurang bahagi ng katawan ang biktima ngunit nagawa pa nitong maitakbo ang sarili sa pinakamalapit na ospital na agad namang nalapatan ng lunas.

Boluntaryong sumuko naman suspek sa himpilan ng pulisya bitbit ang armas na ginamit sa pamamaril.

Inihahanda na ang kasong paglabag sa Republic Act 10591 o illegal possession of Firearms at Frustrated Homicide laban sa suspek.