Isiniwalat ng mga komedyanteng sina Allan K at Wally Bayola Sabado na kapwa sila nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang noontime show, sinabi ni Allan K na dumating sa puntong kinailangan siyang isugod sa ICU dahil naging “severe” ang kaniyang kaso.
Nanatili ng tatlong araw ang komedyante sa ICU, ngunit hindi raw siya na-intubate.
Inamin din ng 61-year-old TV host na hindi siya makapaniwala na dinapuan siya ng virus dahil madalas ang kaniyang pag-inom ng mga vitamins at tumatalima rin daw ito sa minimum health protocols.
Kaugnay nito, inamin naman ng kaniyang co-host na si Wally Bayola na nagpabaya ito sa COVID-19 makaraang maniwala daw ito sa kumakalat na mga maling impormasyon tungkol sa sakit sa social media.
Kuwento ni Bayola, hindi na raw siya nakakapagpalit ng damit pagkauwi galing sa trabaho at tatanggalin nita raw ang kanyang face mask sa tuwing magpapakuha ng larawan kasama ang mga fans.
Limang araw umanong nanatili sa ospital si Bayola.
Anila, kanilang nilakasan ang kanilang pananalig sa Diyos upang malampasan ang kanilang mga hamon bunsod ng COVID-19.