KORONADAL CITY – Dismayado si Banga, South Cotabato Mayor Albert Palencia, matapos mabiktima ng investment scam na Kabus Padatuon (KAPA) ni Joel Apolinario ang nasa 70-80% ng kaniyang mga constituents.
Ayon sa alkalde, halos lahat ng mga residente sa kanilang bayan ay nag-invest ng kanilang pinaghirapang pera sa KAPA kabilang na ang mga empleyado ng munisipyo pati ang kaniyang mga kaanak.
Binigyang-diin ng alkalde na kailanman ay hindi ito nagkulang sa pagpapaalala sa mga kababayan na huwag pumasok sa KAPA dahil malaking problema ang dala nito lalo na kung hindi na ma-sustain ang 30% na ipinapangakong return of investment.
Pinayuhan naman ng alkalde ang mga constituents na huwag ng makiisa sa KAPA lalo na sa mga planong rally pa nito dahil malinaw na walang magagawa ang KAPA founder na patuloy na nagtatago sa batas.
Hinimok nito ang mga KAPA members na magpatuloy pa rin sa buhay, matuto sa pagkakamali, at huwag kitilin ang buhay dahil lamang sa pera.