Mariing itinanggi ni Aljur Abrenica na nag-check in sila ni AJ Raval sa isang hotel-resort sa Tanauan, Leyte nitong Valentine’s Day.
Pahayag ito ng 31-year-old actor matapos maungkat ang pagkaka-link sa kanya ng 21-year-old sexy actress noong kasagsagan ng hiwalayan nila ng asawang si Kylie Padilla.
Ayon kay Abrenica, nagkataon lang na Araw ng mga Puso ang imbitasyon sa kanila ni Raval ng isang lokal na kooperatiba sa Leyte na nabigyan ng malisya ng mga kritiko.
Trabaho aniya ang kanyang ipinunta kasunod ng imbitasyon, taliwas sa lumalabas na ilang araw silang nag-stay-in doon.
Dagdag nito na kumain lang sila sa hotel at nagbihis para sa isang show gayundin sa inaasahang mga picture taking.
“Nagulat ako, kumain lang kami dun (sa hotel) ta’s nagbihis lang to freshen up, para sa show. Sila lang ang gumagawa ng drama na ‘yan kung anong gusto nilang makita, tingnan nila. Pero trabaho po yun, trabaho po yun para sa mga cooperatives,” bahagi ng pahayag ni Abrenica sa virtual presscon ng kinakatampukang pelikula.
Noong nakaraang taon nang mismong ama ni Kylie na si Robin Padilla ang nagbuking sa pagtatapos ng tatlong taon pa lamang na married life ng 28-year-old actress at ni Aljur na dahil umano sa “third party.”
Taong 2017 naman nang mauwi sa engagement ang kanilang limang taon na on-and-off relationship bilang magkasintahan hanggang sa ikinasal noong 2018.
Kung maaalala, nagkaroon ng tampuhan si Kylie at Binoe dahil hindi nasunod ang request na magpakasal na sila ni Abrenica noong kasagsagan ng kanyang pagbubuntis.