Hindi pa kailangan sa ngayon na itaas ang Alert Level sa Metro Manila sa harap ng panibagong surge ng COVID-19 cases, ayon sa isang opisyal ng World Health Organization (WHO).
Sinabi ito ni Dr. Rabindra Abeyasinghe, WHO Country Representative to the Philippines, halos tatlong araw bago pa man mapaso ang Alert Level 3 sa Metro Manila.
Kung maging sapat mang basehan aniya ang pagbaba ng naitalang bagong kaso ng COVID-19 kahapon, maari aniyang masabi na sapat ang Alert Levels na umiiral sa ngayon.
Kahapon, Enero 11, pumalo sa 28,000 ang bagong COVID-19 infections na naitala isang araw makalipas na pumalo naman sa 33,000 new COVID-19 cases ang iniulat ng Department of Health.
Iginiit ni Abeyansinghe na “very conscious” sila pagdating sa Alert Levels at restrictions.
Sakali man aniyang makitaan ng senyale na nahihirapan na ang health care system sa Pilipinas, saka pa lamang aniya sila magrerekomenda ng anumang pagbabago.
Pero sa ngayon, binigyan diin ni Abeyasinghe na hindi pa nila nakikita na kailangan nang itaas ang Alert Levels.










