-- Advertisements --

Isinapubliko ng tanggapan ni Vice President Leni Robredo ang kopya ng liham na kanyang ipinadala kay Presidential spokesperson Harry Roque, na naglalaman ng ilang rekomendasyon para mapaunlad pa ang COVID-19 response ng pamahalaan.

Kamakailan nang sabihin ni Roque na bagamat kinikilala ng Malacañang ang mga suhestyon ng bise presidente, ay matagal na ring naipatupad ng gobyerno ang mga ito.

Pero ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, publiko na ang bahalang humusga kung naging maagap ba talaga ang pamahalaan sa pagtugon sa mga rekomendasyong inangkla nila mula sa nakausap na mga eksperto.

“Let the public judge the substance and timeliness of these suggestions, which were crafted with the assistance of and upon consultation with multiple policy experts, members of the academe, and medical professionals,” ani Gutierrez.

Sumentro ang pambungad ni VP Leni sa pagpuna sa mga inuulat na datos ng Department of Health at mga ahensyang nangangasiwa sa iba’t-ibang cash distribution programs.

Hindi raw kasi naging consistent ang reporting ng mga kagawaran, tulad ng DOH sa COVID-19 tally, contact tracers hiring, at supply ng personal protective equipment.

Wala rin umanong matinong update sa mga programang ipinatupad ng Department of Labor and Employment, Department of Agriculture at Department of Trade and Industry para sa kani-kanilang mga sektor.

“One problem these groups have in common is the lack of data available to the public regarding the COVID-19 response efforts of the government.”

Naglatag ng rekomendasyon si Robredo sa anim na aspeto ng COVID-19 response. Una ay ang pag-uulat ng mga datos sa publiko, kung saan dapat daw ay detalyado at organisado mula sa mga nagawa at gagawin pa lang na target.

Sa mga polisiya naman, siguraduhin daw na naisapinal muna ang mga ilalabas na anunsyo para hindi nagdudulot ng kalituhan sa publiko.

“Policies should only be announced after a consensus had already been built among agencies, guidelines should be completed, and scenarios around them built, to avoid confusion and minsterpretation.”

Inirekomenda rin ni VP Leni ang pagkakaroon ng online portal nang ma-monitor ang loans ng bansa para sa COVID-19 response, pati na ang mga natatanggap na donasyon ng estado.

Sa ganitong paraan daw makakasiguro ang publiko na wastong ginagamit ng gobyerno ang pondo nito.

Para naman sa sektor ng transportasyon, nanawagan si Robredo na gawing contract of service na lang ang pagmamaneho ng mga jeepney drivers para tiyak na may iuuwi silang sahod.

Panahon na rin umano para seryosohin ng pamahalaan ang paglalaan ng bike lanes sa mga kalsada bilang alternatibo ng mga manggagawa.

Dapat namang magtayo ang mga opisyal ng temporary facility para sa locally stranded individuals nang hindi na sila nakatambay sa mga terminal at pantalan dahil posibleng tamaan pa sila ng COVID-19 bago makauwi.

“If trips will continue, proper health procedures should be followed before and during travel as well as upon arrival in their respective destinations.”

Sa usapin ng ekonomiya, hinimok ng Robredo ang mga mambabatas na ipasa na ang Stimulus Package bill para matulungang bumangon ang mga naluging negosyo.

“A sector that is particularly hard-hit are micro, small and medium enterprises, which comprise over 90% of the total businesses in the country. It is imperative that we help them recover from the losses of the pandemic so that the economy may fully be restarted.”

Para sa sektor ng edukasyon, ani VP Leni, kung talagang itutuloy gobyerno ang pagbubukas ng klase sa August 24, ay dapat na maglaan ito ng mga pasilidad at gamit para tiyak na walang estudyante ang maiiwan sa adjustments na dulot ng pandemic.

“Ensure conectivity in all barangays; provide support to our students; adjust the learning/teaching modality depending on the situation on the ground.”

Panghuling binigyan ng pangalawang pangulo nang rekomendasyon ang mismong Inter-Agency Task Force na dapat daw ay may mga miyembrong eksperto sa datos, kalusugan, at ekonomiya.

Pati na mga representatives mula sa grupo ng mga gobernador, alkalde at kapitan ng barangay.

“This will ensure that a truly whole-of-nation approach is used in creating policies that are not only acceptable, but ultimately empowering, to the entire spectrum of society.”

Noong June 30 ipinadala ni Robredo ang liham sa tanggapan ni Roque. Nakalagay sa isinapublikong kopya na July 1 ito natanggap ng staff ng Presidential spokesperson.