Posibleng magdeklara na ng national public health emergency ang Department of Health (DOH) sa gitna ng patuloy na pagtaas ng kaso ng HIV sa Pilipinas.
Ayon sa datos ng pamahalaan, umabot na sa 57 bagong kaso kada araw ang naitatala mula Enero hanggang Marso 2025 — isa sa pinakamabilis na paglobo ng HIV sa buong mundo.
Layunin ng posibleng deklarasyon na mapalakas ang tugon ng bansa sa krisis, kabilang na ang pagpapalawak ng resources at impormasyon ukol sa HIV.
ANO NGA BA ANG HIV?
Ang Human Immunodeficiency Virus (HIV) ay sumisira sa immune system ng katawan ng tao, na nagiging sanhi ng kahinaan laban sa mga impeksyon. Kapag hindi naagapan, maaaring humantong ito sa AIDS (Acquired Immunodeficiency Syndrome), ang pinakamatinding yugto ng sakit.
PAANO ITO NAHAHAWA?
Ang HIV ay naipapasa sa pamamagitan ng:
- Unprotected sex (pagpasok ng semilya, vaginal fluids, o dugo)
- Pagbabahagi ng karayom o kagamitan sa pagtuturok ng gamot o tattoo.
- Pagbubuntis, panganganak, o pagpapasuso mula sa inang may HIV
- Blood transfusion mula sa HIV-positive donor
Dapat na tandaan na hindi ito naipapasa sa simpleng physical touch gaya ng yakap, halik, pakikipagkamay, o paggamit ng pampublikong palikuran.
PAANO MAKAKAIWAS?
Ayon sa DOH maaaring maiwasan ang HIV sa mga sumusunod:
- Gumamit ng condom at iba pang proteksyon kung ikaw ay makikipagtalik
- Sumailalim sa regular na HIV testing
- Gamitin ang PrEP (pre-exposure prophylaxis) o PEP (post-exposure prophylaxis) para sa mga na-exposed sa virus
Bagama’t wala pa ring lunas, maaaring mamuhay nang normal at mahaba ang mga taong may HIV sa tulong ng antiretroviral therapy (ART). Napipigilan ng gamot ang paglala ng virus at bumababa rin ang posibilidad ng paghawa.
PAGKAKAIBA NG HIV AT AIDS
Ang HIV ay virus, habang ang AIDS ay advanced stage ng impeksiyon. Sa maagang gamutan, maiiwasan ang pag-usbong ng AIDS at posibleng makapamuhay pa rin nang maayos ang taong tinamaan ng virus.
SUSUNOD NA HAKBANG
Habang isinusulong ng DOH ang pag-deklara ng health emergency, nananatiling pinakamabisang panlaban ang kaalaman, maagang pagsusuri, at abot-kayang gamutan upang mapigilan ang pagkalat ng HIV sa bansa.