NAGA CITY – Nakalaya na ang aktibista na si Sasah Sta. Rosa, tagapagsalita ng Anakbayan Naga City, noong Lunes, Oktubre 18, 2021.
Kung maaalala, si Sta Rosa ay nadakip matapos makunan ng mga baril at mga pampasabog sa kanyang bahay sa lungsod ng Naga sa isinagawang raid ng mga otoridad.
Dahil dito, ito ay naharap sa kasong illegal possession of firearms at illegal possession of explosives.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Former Naga City Mayor Atty. John Bongat, na siyang tumayong abogado ng nasabing aktibista, sinabi niya na matapos ang humigit-kumulang anim na buwan ay tuluyang ibinasura ng korte ang kaso na isinampa ng CIDG laban sa akusado.
Ayon kay Bongat, nakitaan ng butas sa pag-implement ng mga pulis ng search warrant laban kay Sta Rosa.
Pagdating kasi aniya ng mga otoridad sa bahay ni Sta Rosa, halos isang oras pa ang hinintay ng mga ito bago isinagawa ang search operation.
Dagdag pa ni Bongat, hindi kumbensido ang korte sa isinampang kaso kay Sta. Rosa dahil sa mismong substance ng search warrant na ginamit.
Ayon kasi dito, kung mapatunayan na hindi valid ang search warrant, anuman ang makuhang ebidensiya ay maituturing na “inadmissible in evidence.”
Sa ngayon, masaya ang kampo ni Sta Rosa matapos na makalaya na ito.