Ngayon pa lamang ay maingay na sa online world ang finale ng 2020 America’s Got Talent (AGT): The Champions kung saan isa sa 10 grand finalist ang pambato ng Pilipinas na si Marcelito Pomoy.
Marami sa mga supporter ni Pomoy ang nanghihikayat pa rin sa online voting, ngunit may mga nagsasabi rin na mayroon nang resulta.
Sa panig ng 35-year-old Filipino singer mula Surigao del Sur, ibinahagi lamang nito ang kanyang naging performance sa “results night” ng AGT-The Champions.
Ito ay ang “Can’t Help Falling Inlove” ni Elvis Presley ngunit ginamit lamang nito ang talento sa soprano o boses babae.
Una nang inihayag ni Pomoy na pakiramdam niya ay panalo na siya kahit pa maging kabaligtaran ang resulta sa February 17.
Kung maaalala, inawit ni Pomoy sa kanyang final performance ang “Beauty and the Beast” na tulad sa ibang contender ay umani ng standing ovation sa mga hurado.
Pero hirit ng prangkang si Simon Cowell, “predictable” na ang song choice ng pambato ng Pilipinas, bagay na inalmahan ng judge ring si Alesha Dixon.
Nagdulot din ito ng debate sa online world kung saan nabunyag na si Cowell daw ang pumili ng nabanggit na awitin para kay Pomoy.
Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.
Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018.
Noong nakaraang taon, may pambato rin ang Pilipinas sa AGT-Champions sa pamamagitan ng young aspiring singer na si Angelica Hale kung saan siya ay “golden buzzer” grand finalist. Gayunman, ang magician na si Shin Lim ang nagwagi.
Nangangahulugan ang golden buzzer na nakausad na agad sa finale ang may kapansanang pianist/singer at hindi na dadaan pa sa mga elimination rounds.
Ang ngayo’y 12-anyos na si Angelica ay maituturing na survivor kung saan apat na taong gulang pa lang ito nang sumailalim sa kidney transplant at ang mismong donor ay ang kaniyang inang si Eva Bolando-Hale na tubong Iligan City.