Buo ang tiwala ni Senate committee on civil service, government reorganization and professional regulation chairman at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. na angkop sa posisyon bilang kalihim ng Department of Agriculture (DA) si Francisco Tiu Laurel Jr.
Ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., nagmula mismo ang opisyal sa industriya ng pangingisda kaya matatawag na “right man” ito para sa nasabing tungkulin.
Wala aniyang duda pagdating sa kakayahan at kapabilidad ni Laurel para pangunahan nito ang ahensya tungo sa pagbuhay ng agrikultura at pagkamit ng food security ng ating bansa.
Tinukoy dito ni Revilla ang ilang dekada na “hands-on experience” umano ng secretary sa agricultural sector.
Giit pa ni Revilla, ngayong may itinalagang bagong kalihim ay mayroong tututok sa mga pangangailangan at suliranin sa agrikultura gayundin sa ating mga magsasaka at mangingisda.
Maging ang ibang senador ay pabor din na si Laurel ang maluklok bilang pinuno ng DA.
Dahil sa pagkakaroon na ng mamumuno sa DA, maaari nang ibaling ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang kaniyang atensyon sa ibang mahahalagang usapin.
Sa kabila nito, nakatitiyak umano ang sambayanan na mananatiling nakaantabay ang punong ehekutibo bilang tagapayo, kung sakali mang kakailanganin ng indistriya ng pagsasaka.