-- Advertisements --

Binigyang-diin ni National Task Force against COVID-19 chief implementer Carlito Galvez Jr. na kailangan ang “absolute” at agresibong isolation sa mga COVID-19 patients para mapigilan ang lalo pang pagkalat ng virus.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Sec. Galvez na maglalabas ang Inter-Agency Task Force for Emerging Infectious Diseases (IATF) ng isang resolusyong nagba-ban sa home quarantine.

Ayon kay Sec. Galvez, natalakay na nila ito ni Interior Sec. Eduardo Año na kakagaling lamang sa ikalawang beses na COVID-19 infection.

Inihayag ni Sec. Galvez na nakitaan ng pagbaba ng COVID-19 cases ang mga lugar na nagbawal ng home quarantine gaya sa Central Luzon, Calabarzon, Manila, Navotas at Pateros.

“Talagang kailangan po ‘yung isolation phase natin very aggressive tsaka absolute, na lahat po ng positive kailangan ho talaga nating i-isolate,” ani Sec. Galvez. “So ang ano po namin ni General Año ay magkaroon po ng resolution ang IATF na talaga pong i-discourage natin, disallow na po natin ‘yung home quarantine.”