Naglabas ngayon ng Executive Order si Cebu Governor Gwendolyn Garcia na temporaryong nagbabawal sa pagpasok ng mga baboy, at pork-related products mula sa lalawigan ng Bohol sa loob ng 60 araw epektibo kahapon, Agosto 8.
Ito’y matapos kumpirmahin ng Department of Agriculture (DA) ang presensya ng African Swine Fever (ASF) sa bayan ng Pilar.
Sinabi pa ni Garcia na ang hakbang na ito ay naglalayong protektahan ang P11-bilyong industriya ng baboy sa Cebu.
Sa panig naman ni Bohol Gov. Aris Aumentado, iginiit nito na nacontain na umano ang mga kaso ng African Swine Fever sa Pilar Bohol.
Nagpatupad na umano sila ng ilang mahigpit na biosecurity measures para mapigilan ang pagkalat ng sakit sa iba pang bayan at lungsod sa lalawigan.
Hindi pa umano nila matukoy ang pinagmulan ng sakit dahil ang Pilar ay matatagpuan malayo sa mga coastal borders ng lalawigan.
Samantala, nanawagan naman si Provincial Veterinarian Dr. Stella Marie Lapiz, lalo na sa mga lugar na malapit at nasa loob ng containment zone na iwasan ang pagpapakain ng mga tirang pagkain sa mga alagang baboy.
Ibinunyag pa ni Lapiz na nagsagawa sila ng ilang pagsusuri sa mga karatig bayan at barangay at negatibo naman umano ang resulta.