-- Advertisements --

Kinumpirma ng Bureau of Animal industry na ang pagkamatay ng mga baboy sa Brgy. Maayongtubig Dauin, Negros Oriental ay sanhi African Swine Fever.

Dahil dito, naglabas ng executive order si Dauin Mayor Galicano Truita na magsagawa ng agarang pag-culling sa mga baboy sa Purok 1 at 2 ng nasabing barangay kasama na ang mga nasa 500m radius para maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Epektibo ang nasabing kautusan noon pang Mayo 20 ng kasalukuyang taon.

Nakapaloob din sa EO ang temporaryong pagban sa pagpapasok at pagpapalabas ng baboy kabilang ang mga fresh at frozen pork products gayundin ang pagsususpinde sa mga aktibidad na may kinalaman sa mga baboy sa bayan.

Samantala, bago pa man ang kumpirmadong kaso ng ASF, nauna na ring ibinunyag ni Provincial Veterinary Officer Belinda Villahermosa na hindi pa rin pinapayagan ang pagpasok ng mga baboy at produktong baboy sa lalawigan gayunpaman, pinapayagan na ang pagbenta nito sa ibang lugar batay na rin sa EO No. 35 ni Gov. Guido Reyes.

Itinakda ng EO ang pagbabawal sa lahat ng pork at pork-related products mula sa Negros Occidental matapos umanong maapektuhan ng hog cholera disease, kabilang ang Cebu at lahat ng lugar na apektado ng African Swine Fever ASF.

Nakasaad din sa EO na ang Negros Oriental ay maaari nang makabiyahe ng mga baboy sa mga lugar na tumatanggap nito sa pamamagitan ng Bulado, Tampi, at Dumaguete ports.

Ngunit sa pagbabalik, kinailangang isailalim sa 7-days quarantine ang sasakyang kinargahan ng mga para sa pagdisinfect.