-- Advertisements --

Wala nang balak ituloy ng pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang fact-finding investigation kaugnay sa iligal na pagbakuna ng COVID-19 vaccine sa ilang tauhan ng Presidential Security Group (PSG).

Ito ay dahil sa naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kaya kinansela na ng AFP ang gagawing imbestigasyon na pangungunahan sana ng Inspector General ng AFP na magsisimula sana ngayong araw.

Umapela kasi si Duterte sa kongreso na huwag pilitin ang mga tauhan ng PSG na tumestigo at depensahan ang kanilang pagpapabakuna laban sa COVID-19 dahil ginawa ito ng mga PSG personnel bilang “self-preservation.”

Sinabi ni Arevalo, kahit sa kongreso itinuon ng Pangulo ang kaniyang pahayag, ang AFP na nasa ilalim ng executive department ay dapat intindihin ang nais ipahiwatig ng Pangulo.

Kaya aniya nagdesisyon sila na huwag ng ituloy ang imbestigasyon.

Dagdag pa ni Arevalo, magiging walang saysay din ang imbestigasyon kung hindi magsasalita ang mga nabakunahang mga PSG personnel.

Bagama’t hindi pinagtatakpan ang ginagawa ng kanyang close-in security team, nagbabala ang Pangulo na magkakaroon ng “krisis” kapag pinuwersa ang PSG na isiwalat ang detalye ng kanilang pagpapabakuna.

Kahapon sinabi ng AFP na hindi nila kukunsitihin kung mapapatunayang may paglabag sa batas ang mga sundalong una nang nagpaturok ng hindi aprubadong COVID-19 vaccine.

Sinabi ni Arevalo, matured at professional organization ang AFP at kung may nagkakamali sa kanilang hanay hindi nila ito isasawalang bahala.