-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Binigyang katiyakan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi nila papayagan makapaghasik karahasan ang arm wing ng Communist Party of the Philippines (CPP) na New People’s Army (NPA) sa mismong kasagsagan ng Holy Week observance ng buong bansa.

Kasunod ito paggunita rin ng CPP-NPA anniversary mismo nitong araw kung saan nataon na ino-obserba ng mga Kristiyano ang uri ng buhay ni Kristo-Hesus at iniwan na mga pangangaral para sa sanlibutan.

Sinabi sa Bombo Radyo ni 4ID,Philippine Army spokesperson Lt. Col. Francisco Garello Jr na nakahanda umano sila na susupilin ang anumang armadong galawan ng mga rebelde na maaaring magdulot disturbo sa mga aktibidad ng Semana Santa.

Inihayag ni Garello na bagamat abala ang malaking populasyon ng bansa ng Holy Week activities, subalit tuloy-tuloy lang ang kanilang focused military operations laban sa armadong mga grupo.

Partikular na tinukoy ng AFP ang 11 CPP-NPA guerilla fronts na tinatrabaho ng kanilang lower units sa limitadong bahagi na lang ng 3rd ID at 4ID,Philippine Army operational controls partikular mga rehiyon ng Visayas maging sa Caraga-Northern Mindanao regions.

Magugunitang una nang naglabas-utos ang commander-in-chief na si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr na kung maaari ay tuluyan nang mapulbos ang humina ng higit 10 guerrila fronts ng CPP-NPA nitong taon.