-- Advertisements --

Nagsimula na ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa paghahanda para magtayo ng sariling military space center na maaaring maging isang ganap na space command o space force sa hinaharap.

Ayon kay AFP Chief General Romeo Brawner Jr., inaprubahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pondo para sa proyekto na isasagawa kasama ang Philippine Space Agency.

Layunin ng programa na palakasin ang kakayahan ng militar sa pagmamanman, komunikasyon, at paggamit ng makabagong teknolohiya tulad ng drones at iba pang defense systems.

Sinabi ni Brawner na target ng AFP na magkaroon ng kauna-unahang military satellites ng bansa pagsapit ng 2028.

Ipinaliwanag ng AFP chief na kailangang maitatag muna ang space center upang mabuo ang mga eksperto at organisasyong kakailanganin bago pa man maging aktibo ang mga satellite.

Kapag naisakatuparan, magsisilbing “mata sa kalawakan” ang mga satellite na tutulong sa pagbabantay sa mga kaganapan sa lupa at karagatan, pati na rin sa pagpapahusay ng komunikasyon ng militar.

Makikipagtulungan ang AFP sa Philippine Space Agency na kasalukuyang namamahala sa mga programang pangkalawakan ng bansa.

Sa unang yugto, plano ng militar na gumamit ng mga low-Earth orbit satellites na maaaring isama sa mas malawak na space infrastructure ng Pilipinas.