Nanindigan ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi maaapektuhan ang paggulong ng Balikatan Exercises ngayong taon sa kabila ng epekto ng oil crisis sa bansa.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay AFP Spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla, sinabi ng opisyal na matagal nang naplano ang naturang military simulation, mula sa paglalaan ng pondo, nakahanay na military drill, gagamiting assets, at bilang ng mga lalahok na sundalo.
Sa katunayan aniya, mula pa noong pagtatapos ngg 2025 Balikatan ay nagsisimula nang magplano ang AFP at mga bansang kasama sa malaking military exercises.
Mula noon ay inihahanda na aniya ng hukbo ang lahat ng mga magagamit kaya’t bago pa man ang pagsisimula ng oil crisis ay nakahanay na ang lahat ng magagamit sa pagsasanay, tulad ng pondo at assets.
Ayon kay Padilla, aabot sa 17,000 sundalo mula sa iba’t ibang bansa ang nakatakdang lumahok sa ika-41 Balikatan Exercises na nakatakdang magsimula sa susunod na linggo.
Bukod sa Philippine forces, at US forces, kasama rin dito ang mga sundalo mula sa Australia, Japan, New Zealand, Canada, at France.
Pinayagan ding magsilbing observer ang 17 bansa sa ilalim ng International Observer Program ng naturang drill.
















