-- Advertisements --

Iginiit ng Armed Forces of the Philippines na hindi lamang isang ‘isolated academic opinion’ ang lumutang ngayon na naratibong pagmamay-ari ng Tsina ang Batanes.

Sa eklusibong panayam ng Bombo Radyo kay Rear Admiral Roy Vincent Trinidad ang AFP Special Spokesperson for the West Philippine Sea, kanyang binigyang diin na ang naratibong ito ay konektado sa ‘communist party’ ng dayuhan bansa.

Aniya’y ang ganitong simpleng pahayag o naratibo mula sa Tsina ay hindi na bago at may intensyon kahalintulad sa pang-aakin nito sa teritoryong West Philippine Sea.

Kung kaya’t hiling niya sa mga Pilipino na mamulat sa ganitong uri ng hakbang nang sa gayon ay makiisa sa pagkontra ng maling naratibo ukol sa teritoryo ng bansa.

Naniniwala pa ang naturang opisyal na ang lumutang na panibagong naratibo ay inisyal na hakbang pa lamang sa mas susunod na plano ng dayuhan bansa.

Bahagi aniya ito sa ‘malign influence’ na dati nang gawain ng dayuhan bansa kung kaya’t mabuting maaga pa lamang daw ay agad naaksyunan.