-- Advertisements --

Iginiit ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of Staff Romeo Brawner Jr. na walang mangyayaring kudeta sa ilalim ng kaniyang liderato.

Ito ay sa gitna ng mga espekulasyon ng internal unrest sa hanay ng militar.

Sa isang statement, pinagtibay ng AFP chief ang hindi natitinag na commitment ng organisasyon sa Konstitusyon at sa chain of command.

Aniya, hangga’t nakaupo siya bilang Chief of Staff, walang kudeta na mangyayari at hindi rin aniya sila matitinag sa mga tsismis o malilinlang ng ingay.

Tiniyak din ni Gen. Brawner sa taumbayan na nananatiling matatag, propesyunal at tapat ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas sa chain of command.

Nagbabala naman ang AFP chief sa mga patuloy na nagpapakalat ng maling impormasyon sa “broader consequences” sa pagsira sa Sandatahan.

Hinimok din ni Brawner ang publiko na maging mapanuri at tukuyin ang tunay na concerns mula sa walang basehang mga espekulasyon lalo na pagdating sa public institutions at pambansang seguridad.