-- Advertisements --

Aabutin ng dalawa hanggang tatlong linggo pa bago pa man matapos ang administrative process para maresolba ang petisyon na nakabinbin ngayong sa Comelec na naglalayong kanselahin ang kandidatura ni dating senator Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pagkapangulo sa halalan sa susunod na taon, ayon sa tagapagsalita ng poll body na si Director James Jimenez.

Pero sa kabila nito, iginiit ni Jimenez na wala naman silang time table talaga sa kung mailalabas ang desisyon hinggil sa naturang petition.

Sa oras na maisumite na ang kaso para sa resolution, nasa dalawang linggo mula ngayon, ay saka pa lamang ito maiaakyat sa division ng Comelec na hahawak dito.

Pero maaring hindi naman aniya abutin pa ng halalan talaga ang pagresolba para petition for cancellation sa certificate of candidacy ni Marcos.

Nauna nang sinabi ni Jimenez na ngayong linggo posibleng mailalabas ang summons para sa dalawang partido.

Base sa petition, na inihain noong Nobyembre 2, iginigiit na hindi eligible si Marcos na tumakbo para sa anumang posisyon sa pamahalaan dahil siya ay convicted noong 1995 ng Quezon City Regional Trial Court bunsod nang kanyang hindi pagbabayad ng income tax returns.

Nabatid na sa second division ng Comelec napunta ang naturang petition.