-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – Nakatulong umano na maitaguyod ang pangangailangan sa pagkain at gumulong ang ekonomiya ng mga barangay ang market-market na ipinatupad ng city government sa panahon ng quarantine laban sa Covid19.

Nabigyan ng pagkakataon na makabili ng sariwa at masustansyang pagkain pati na pangunahing mga pangangailangan ang mga residente sa malalayong lugar na sumailalim sa quarantine sa pamamagitan ng market-market sa barangay.

Una nang nakipagtulungan si City Mayor Joseph Evangelista sa Department of Trade and Industry para dalhin ang pamilihan sa mga kanayunan.

Sinimulang ipatupad ng city government ang market-market noong April 21, 2020 sa mga barangay ng San Isidro, Ginatilan, Kalaisan at Mateo.

Sinadyang ilagay sa naturang mga lugar ang market-market dahil accessible ito sa mga nakapalibot na barangays.

Idinagdag na rin ng city government ang mga barangay ng Amas at Manongol sa market market sa barangay upang mahikayat ang mga pamilyang naka-quarantine na doon mamili imbes na pumunta pa ng mega market.

Nasa P2.5 million na ang kinita ng market-market sa barangay simula ng ipatupad ito noong April 21.

Dahil dito, planong ipagpatuloy ng city government at DTI ang market-market sa barangay.