-- Advertisements --

Pinuna ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre ang pahayag ni Sen. Imee Marcos hinggil sa umano’y plano na palawigin ang termino ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. o ipatigil ang 2028 elections.

Ayon kay Acidre, dapat itigil na ang pagpapakalat ng “unfounded stories” at mga haka-haka na walang ebidensya, at sa halip ay tutukan ang mga tunay na tungkulin sa gobyerno, kabilang ang nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Giit ng kongresista, malinaw sa 1987 Constitution na hindi maaaring tumakbo muli ang Pangulo matapos ang isang anim na taong termino, kaya’t walang basehan ang mga espekulasyon ng term extension o “no-el” scenario.
Binigyang-diin din niya na ang Senado ay dapat nakatuon sa paghahanda bilang impeachment court at hindi sa pagpapalaganap ng political drama na nagdudulot ng kalituhan sa publiko.

Sa huli, nanawagan si Acidre sa mga opisyal ng gobyerno na magpakalma sa publiko sa halip na magpalala ng tensyon sa pamamagitan ng mga hindi beripikadong alegasyon. (Report by Bombo Jai)