Kinumpirma ng Malacanang na pinagkalooban ni Pangulong Rodrigo Duterte ng absolute pardon si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.
Magugunitang nahatulang guilty ng Olongapo Refional Trial Court si Pemberton sa kasong pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, dahil absolute pardon ang ibinigay ni Pangulong Duterte, maaring umuwi na sa kanilang bansa sa Amerika si Pemberton.
“Pwede na po siyang umuwi dahil meron na po siyang pardon,” ani Sec. Roque. “Ibig sabihin po niyan, makalalaya na si Pemberton, wala na pong issue kung siya ay entitled sa GCTA, wala na pong issue kung applicable sa kanya yung batas dahil hindi siya nakulong sa national penitentiary. Binura na po ng Presidente kung ano pa yung parusa na dapat ipapataw kay Pemberton.”
Pero bagama’t binigyan ng pardon, iginiit ni Sec. Roque na hindi naman mabubura ang katotohanan na na convicted si Pemberton sa pagpatay kay Laude.
“Ang di po nabura ng Presidente, yung conviction ni Pemberton, mamatay-tao pa rin po siya, pero kung ano yung karagdagang parusa pa, binura na ng Presidente,” dagdag ni Sec. Roque.
Hindi rin umano dapat na kwestyunin pa ang desisyon ni Pangulong Duterte dahil saklaw ito ng kanyang kapangyarihan.
“Hindi na po kinakailangang bigyang dahilan ng Presidente yan dahil yung pag grant po ng pardon at parole, yan naman po ang ating sinasabi na hindi po yan katungkulan ng hudikatura, kung di katungkulan ng ehekutibo. Yan ay one of the most presidential of all presidential powers, the grant of pardon and parole.”