Agad iki-cremate ngayon ang labi ng abogadong naghain ng reklamo kay Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC).
Ito ang sinabi ni Atty. Larry Gadon, matapos kumpirmahing pumanaw na si Atty. Jude Sabio.
Nabatid na nagpositibo muna sa COVID-19 ang naturang abogado, bago na-stroke at binawian ng buhay.
Matatandaang nagsilbing legal counsel ni Edgar Matobato si Sabio, noong kasagsagan ng pagdinig ng Senado sa isyu ng war on drugs at umano’y extra judicial killings (EJK).
Pero kalaunan ay binawi nito ang kaniyang mga naging statement noon laban kay Pangulong Duterte.
Maging si dating Sen. Antonio Trillanes IV na dati nitong kliyente ay nagpa-abot din ng pakikiramay sa sinapit ni Sabio.
Pagbabahagi ng dating senador, mabuting tao ang pumanaw na abogado, ngunit katulad ng iba ay may mga kahinaan din ito kaya hindi sila nagkasundo sa ilang isyu.










