KORONADAL CITY- Nagpapatuloy sa ngayon ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring pamamaril-patay sa isang abogado sa bayan ng Surallah, South Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Atty. Juan Macababad, nasa legal na edad, at residente ng Zone 2, Barangay Libertad, Surallah, South Cotabato.
Sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay Mayor Antonio Bendita, sinabi nito na nasa ng gate ng kanilang bahay ang biktima nang may dalawang motorsiklo na kulay itim ang huminto at lumapit sa kanya sabay baril ng makailang beses.
Nagtamo ng maraming tama ng bala sa dibdib at ulo ang nabanggit na abogado.
Dinala pa ang biktima sa Javelosa Hospital ngunit dead on arrival na ito nang makarating.
Agad din na tumakas ang mga suspek na nakasuot ng mask at bonnet.
Sa ngayon, hindi pa matukoy ang motibo sa pamamaril sa abogado ngunit bago pa man umano ang pangyayari ay may natatangap nang death threat ang biktima. Hustiya naman ang sigaw nga pamilya, kaibigan at mga kasamahan nito sa nangyari sa biktima.