Umapela si House Minority Leader Bienvenido Abante Jr. sa mga kapwa niya kongresista na huwag nang ituloy ang pag-apruba sa panukalang absolute divorce at dissolution of marriage.
Ginawa ito ni Abante matapos na mabilis na aprubahan ng House Committee on Population and Family Relations ang tatlong panukalang batas para sa absolute divorce at dissolution of marriage kahapon matapos na i-envoke ang Rule 48 dahil aprubado na ito noong 17th Congress.
Iginiit ni Abante na mismong ang Saligang Batas na ang nagsasabi na dapat pangahalagahan at protektahan anumang oras ang pundasyon ng pamilyang Pilipino bilang institusyon.
Bilang mga lider ng bansa, dapat nakatutok aniya silang mga mambabatas sa mga hakbang para mapalakas pa lalo ang mga pamilya at hindi para sa ikasisira ng mga ito.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ni Abante ang kanyang mga kasamahan sa Kongreso na mayroon nang mekanismo kung para sa annulment ng isang kasal.
“This final avenue is available for couple that cannot reconcile, and while some say that annulment is lengthy, difficult process, it is the demands of the process that ensure that only those who are serious about ending their marriage — those who believe their marraige cannot be salvaged — who go through with it,” giit ng kongresista.
Kung talaga aniyang pursigido ang Kamara sa pagsusulong ng divorce, dapat aniyang i-repeal na rin ang probisyon na pumapayag sa annulment.








