ALOGUINSAN CEBU -Nakadetain na ngayon sa detention cell ng Aloguinsan Police Station ang isang security guard matapos itong maaresto dahil sa pagnanakaw ng isang gasoline station kahapon Setyembre 26, sa Barangay Bonbon in Aloguinsan, Cebu.
Nakilala ang naaresto na si Reynante Sarquilla, 46 anyos at isang guwardiya ng pampublikong ospital sa Cebu.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PSSg Marvin Hubahib, inaresto si Sarquilla nang magpapalit na sana ito ng uniporme pagdating sa kanyang pinagtatrabahuhang ospital sa bayan ng Pinamungajan.
Nakumpiska naman mula sa posisyon nito ang armas na ginamit at narekober ang perang ninakaw na tinatayang nagkakahalaga ng P10,000. .
Inihayag pa umano ng suspek na desperado at napilitan siyang magnakaw sa gasoline station dahil wala na siyang panggastos.
Dagdag pa umano nito na hindi na siya nakatanggap ng kanyang sahod mula noong buwan Hulyo at mayroon pa itong sinusuportahang pitong mga anak.
Sa ngayon, nahaharap ang naarestong suspek sa kasong Robbery with intimidation at paglabag sa Republic Act 10591.