Nakaditine na sa Bureau of Immigration (BI) facility ang isang American national na sangkot as panggagahasa na nahuli ng fugitive search unit ng Immigration bureau.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, ang American national na wanted sa State of Texas ay kinilalang si Calvert Leroy Cummings, 68 na naaresto sa isang subdivision sa Novaliches, Quezon City.
Ang pagkakaaresto kay Cummings ay dahil na rin sa hiling ng US authorities sa Manila na siyang nag-request para sa deportation nito.
Ito ay para maharap niya ang kanyang kaso sa Estados Unidos.
Nakatakdang ipa-deport si Cummings matapos mag-isyu ang BI board of commissioners ng order para sa kanyang summary deportation.
Pagkatapos nito ay ilalagay na ang American national sa immigration blacklist at pagbabawalang makapasok sa Pilipinas.
Sinabi naman ni Bureau of Immigration-Fugitive Search Unit chief Rendel Ryan Sy, naisyuhan daw si Cummings ng arrest warrant ng korte sa Aransas County, Texas noong September 2019 dahil sa sexual assault ng disabled person.
Tumulak ito sa Pilipinas para magtago at takasan ang kanyang pagkakasala.









