Sugatan ang isang drug suspek matapos tangkain nitong tumakas sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) sa Barangay Holy Spirit, Quezon City, Sabado ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Eduardo Palomo na siyang target ng operasyon na pumutok ang ulo.
Nauntog sa isang kahoy ang ulo ng suspek ng tangkain nitong tumakas.
Ayon sa mga pulis, nabilhan si Palomo ng P1,500 halaga ng umano’y shabu.
Arestado rin sa nasabing operasyon ang isang lalaki at babae na parokyano ni Palomo.
Nakilala ang dalawang naaresto na sina Malou Lapot at Albert Peralta.
Itinanggi ni Peralta ang paratang at sinabing nadamay lang siya.
Si Lapot naman, umaming bumibili ng droga para pampagising sa kanyang trabaho dahil siya ay nasa graveyard shift.
Nakumpiska sa mga suspek ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang may halagang P34,000.
Ayon kay Major Sandie Caparroso, deputy station commander ng Batasan Police, tatlong buwan nang ginagawang drug den umano ang bahay kung saan naaresto ang mga suspek.
Inirereklamo na rin daw ito ng mga kapitbahay nila doon.
Sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act ang mga suspek.










