Suportado ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang pag-relocate sa mga Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) centers sa ecozone areas at hindi malapit sa kampo ng militar.
Halimbawa na lamang dito ang POGO hubs sa Cubao na malapit sa Kampo Aguinaldo at isa pang POGO center na malapit sa headquarters ng Philippine Navy sa may Roxas Boulevard.
Kaugnay nito, binatikos ni Lorenzana ang naging tugon ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua.
Ayon kasi kay Amb. Zhao sa pamamagitan ni Presidential Spokesman Atty. Salvador Panelo, paano kung ang mga Overseas Filipino Workers (OFW) na nasa China ang ituring na nang-eespiya sa kanilang teritoryo.
Tinawag na “preposterous” ni Sec. Lorenzana ang pahayag ng Chinese envoy.
Ayon kay Lorenzana, ang pahayag ni Chinese Ambassador ang pinakamalaking kasinungalingang narinig nito sa loob ng napakahabang panahon.
Giit ng kalihim, hindi maikokompara ang mga OFW sa mga Tsinong nagtatrabaho sa mga POGO hubs dito sa Pilipinas dahil lubhang malaki ang pagkakaiba ng mga ito.
Paliwanag ni Lorenzana, hindi basta-basta makakapasok ng China ang mga Pinoy dahil kailangan ng mga ito ng Visa habang ang mga Tsino ay maaaring makapasok muna sa Pilipinas bilang turista.
Kukuha lamang kasi ng Visa sakaling magsimula na silang magtrabaho sa POGO hubs.
Giit pa ng kalihim, hindi malabong gumawa ng surveillance at pang-eespiya ang mga manggagawang Tsino dahil inoobliga sila ng Chinese government at lahat ng mga kompanya roon na tumulong sa pagkalap ng mga impormasyon para sa estado.
Sa kabilang dako, ipinauubaya na ni Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gen. Benjamin Madrigal sa mga matataas na opisyal ng gobyerno ang usapin sa POGO hubs na itinayo malapit sa mga military camps.
Sinabi ni Madrigal, walang dapat ikabahala ang publiko sa mga itinayong POGO centers malapit sa mga military camps.
Pero binigyang-diin na hindi isina-alang-alang ng militar ang ilang security concern gaya ng pang-eespiya.
Inihayag ni Madrigal na hindi siya nakonsulta o maging ang mga dating AFP chief hinggil sa pagtatayo ng mga POGO hubs.










