-- Advertisements --

Iginiit ng Truth Commission na hindi dapat gamiting dahilan ang kanilang imbestigasyon sa mga pagpatay kaugnay ng war on drugs upang hadlangan ang paglilitis kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court o ICC.

Sinabi ng komisyon na ang kanilang inisyatiba ay daan tungo sa hustisya at hindi kapalit ng pananagutan sa ilalim ng batas. Tugon ito sa dokumentong inihain ng kampo ni Duterte sa ICC, kung saan binanggit ang pagbuo ng komisyon bilang patunay na may umiiral na mekanismo ng pananagutan sa Pilipinas.

Pinamumunuan ni dating ICC judge Raul Pangalangan ang komisyon, na binuo ng mga lider ng simbahan at civil society upang idokumento ang mga kasong may kaugnayan sa mga pagpatay sa anti-drug campaign. Sa paunang ulat nito, umabot sa hindi bababa sa 8,000 ang naitalang pagkamatay, mas mataas sa humigit-kumulang 6,000 na opisyal na bilang ng pamahalaan.

Binigyang-diin ng komisyon na hindi maaaring ipalit ang boluntaryong gawain ng civil society sa legal na obligasyon ng Estado na panagutin ang mga sangkot. Nasa kustodiya ng ICC si Duterte mula noong nakaraang taon at nahaharap sa tatlong bilang ng crimes against humanity kaugnay ng kaniyang kampanya kontra droga. Nakatakdang magsimula ang paglilitis sa Nobyembre 30.