Nais ni Senate President Pro Tempore Senator Vicente “Tito” Sotto III na panagutin sa batas ang mga indibidwal na hayagang nag-aalok ng abortion services sa pamamagitan ng social media platforms.
Sa deliberasyon para sa panukalang 2027 budget ng Department of Health sa plenaryo ng Senado, kinuwestiyon ni Sotto ang mga hakbang ng ahensiya upang masugpo ang patuloy na paglaganap ng mga online advertisement na nag-aalok ng naturang serbisyo.
Iginiit ng senador na hindi dapat matapos sa pagpapabura lamang ng mga anunsiyo ang aksiyon ng pamahalaan, kundi kailangan ding matukoy ang mga nasa likod ng mga ito upang mapanagot sa ilalim ng batas.
Bilang tugon, iniulat ni Senate Finance Committee Chairperson Senator JV Ejercito, na siyang sponsor ng panukalang budget ng naturang ahensiya, na libu-libong online listings at websites na naglalaman ng naturang mga advertisement ang naipatanggal na ng ahensiya.
Ayon kay Ejercito, sa kabuuang 7,499 online listings at websites na kanilang mino-monitor, nasa 4,508 na ang na-take down o naalis sa internet.
Ipinaliwanag din ng senador na nakikipag-ugnayan ang Department of Health sa National Bureau of Investigation at Cybercrime Investigation and Coordinating Center upang matukoy at maalis ang mga naturang content sa iba’t ibang online platforms.
Gayunman, iginiit ni Sotto na dapat ding mapanagot ang mga indibidwal na nasa likod ng naturang mga gawain at hindi lamang limitahan sa pagtanggal ng kanilang mga advertisement ang aksiyon ng pamahalaan.
Binigyang-diin ng senador na ang abortion ay may mabigat na epekto dahil buhay ng isang hindi pa isinisilang na bata ang nakataya.
Dahil dito, hinimok niya ang mga kinauukulang ahensiya na magsagawa ng kaukulang imbestigasyon at magsampa ng kasong kriminal laban sa mga mapatutunayang lumabag sa batas.
Matatandaang ipinagbabawal at itinuturing na krimen sa Pilipinas ang abortion sa ilalim ng Revised Peenal Code, na may mga nakatakdang parusa sa iba’t ibang uri ng pagpapalaglag.














