-- Advertisements --

Nais malaman ni Senator Raffy Tulfo kung bakit hindi nagamit ang nasa 16 milyong syringes na binili para sana sa COVID-19 vaccination at ngayo’y nakaimbak na lamang sa isang bodega ng Department of Health (DOH).

Sa pagtalakay sa panukalang budget ng DOH para sa 2027, sinabi ni Tulfo na natagpuan ng kanyang grupo ang mga naturang syringes sa Tala Warehouse sa Caloocan City.

Mula pa umano noong 2022 nakaimbak ang mga ito at nakatakdang mag-expire sa Oktubre 2027.

Tinanong ng senador kung bakit hindi agad nagamit ang mga suplay gayong inilaan ang mga ito para sa pagbabakuna noong panahon ng pandemya.

Ipinaliwanag naman ni Senator JV Ejercito, sponsor ng budget ng DOH, na nauna nang dumating ang mga bakunang Pfizer bago naihatid ang mga syringe na partikular na nakalaan para rito.

Dahil kailangang maipagpatuloy ang vaccination program, gumamit ang ahensya ng ibang syringes sa halip na hintayin ang pagdating ng mga ito.

Sinabi rin ni Ejercito na sinubukan nang ipamahagi ang natitirang suplay sa ilang paaralan at ospital, ngunit hindi ito tinanggap dahil limitado ang paggamit ng mga ito sa Pfizer vaccines.

Hindi rin lamang sa Tala Warehouse may nakaimbak na mga syringe. Ayon kay Tulfo, may karagdagang 24 milyon pang syringes sa iba pang bodega, kaya posibleng umabot sa 40 milyon ang kabuuang hindi nagamit na suplay.

Nangako naman si Ejercito na ibibigay sa tanggapan ni Tulfo ang resulta ng pagsusuri ng DOH tungkol sa mga naturang syringes.

Binigyang-diin din ni Tulfo na kailangang matukoy kung paano napunta sa ganitong sitwasyon ang mga suplay na binili gamit ang pondo ng bayan.