Mas nais umano ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) na karne at dairy products ang patawan ng buwis sa halip na kape, kasunod ng panukalang magpataw umano ng buwis sa mga produktong kape sa bansa.
Sa pahayag ng grupo, sinabi nitong mas dapat pagtuunan ng pansin ang epekto ng produksyon ng karne at mga produktong gawa sa gatas sa kalikasan at sa mga hayop.
Ayon sa PETA, malaki ang nagagamit na likas na yaman sa produksyon ng mga ito at nagdudulot din umano ng polusyon. Binanggit din ng grupo ang kalagayan ng mga hayop na nakararanas ng paghihirap bago katayin.
Giit pa ng PETA, karamihan sa mga Pilipino ay nahihirapang tunawin ang lactose na nasa gatas ng baka, kaya hindi umano makatuwirang patuloy itong itaguyod o bigyan ng suporta.
Sa halip, nais ng grupo na magpatupad ng buwis na isinasaalang-alang ang epekto ng produksyon ng karne at dairy products, habang hinihikayat ang publiko na kumain ng masustansiya at plant-based na pagkain.
Matatandaang unang iminungkahi ni Distilled Spirits Association of the Philippines (DSAP) President Olivia Limpe-Aw ang pagbubuwis sa kape sa pagdinig ng House Committee on Ways and Means noong Nobyembre 25.
Iminungkahi niya ito dahil sa pagbaba umano ng koleksiyon ng buwis mula sa mga produktong alak, kasabay ng pagbabago sa nakagawian ng mga mamimili, partikular ng mga kabataang mas pinipili na ang kape kaysa alak.
Gayunman, tinutulan ito ni House Ways and Means Committee Chairman Miro Quimbo at sinabing hindi dapat ituring na sin product ang kape.
Noong Nobyembre 27, sinabi rin ni Quimbo na hindi na itutuloy ang panukala sa Kamara at tinawag itong dead and buried.
Samantala, hiwalay na pinag-aaralan ng komite ang posibilidad na patawan ng buwis ang 3-in-1 coffee products na mataas ang sugar content kung hindi mababawasan ng mga manufacturer ang asukal sa kanilang produkto matapos ang tatlong taong palugit.









