-- Advertisements --

Tinanong ni Senator Erwin Tulfo ang Department of Agriculture (DA) kung pinag-aaralan ng ahensya ang muling pagbebenta ng murang bigas ng National Food Authority (NFA) upang makatulong sa mga mamimili.

Ayon kay Tulfo, bagama’t bumaba na ang presyo ng bigas sa merkado, hindi pa rin ito sapat na mura para sa maraming Pilipino. Aniya, isa pa rin ito sa mga karaniwang tanong ng publiko kung maaari bang ibalik ang NFA rice na kilala noon bilang mas abot-kayang alternatibo.

Kinilala ng senador na may umiiral na batas na naglilimita sa pagbebenta ng NFA rice, ngunit hiniling niyang muling silipin kung maaari itong amyendahan upang payagang makapagtinda ang ahensya sa mga mamamayan.

Bilang tugon, sinabi ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan, sponsor ng panukalang budget ng DA, na pinag-aaralan na ng ahensya ang pag-amyenda sa Rice Tariffication Law.

Ayon kay Pangilinan, nais nilang maisama sa mga susog ang kahilingan ni Tulfo na bigyang-daan ang NFA na muling makapagtinda ng bigas nang direkta sa publiko, lalo na kung may emergency o krisis na nangangailangan ng interbensyon ng gobyerno.

Gayunman, kailangan ding maglagay ng mga safeguard upang matiyak na magagamit lamang ang kapangyarihang ito sa mga kinakailangang pagkakataon.

Inaasahan ng senador na makatutulong ang mga pagbabagong ito sa pagpapababa ng presyo ng bigas at pagbibigay ng mas abot-kayang suplay, partikular sa mga pamilyang higit na nangangailangan nito.

Matatandaang nililimitahan ng Rice Tariffication Law ang kapangyarihan ng NFA na direktang magbenta ng bigas sa publiko. Sa ilalim naman ng Republic Act No. 12078, maaari nang ilabas at ibenta ang buffer stocks ng NFA sa pamamagitan ng KADIWA outlets sa mga lugar na idineklarang may food security emergency dahil sa kakulangan ng suplay o labis na pagtaas ng presyo ng bigas.