-- Advertisements --

Tinambakan ng Golden State Warrios ang Sacramento Kings upang ibulsa ang ikalawang sunod na panalo ng koponan sa kabila ng hindi paglalaro ni NBA superstar Stephen Curry.

Naging aggresibo ang 2022 NBA champion sa pagsisimula pa lamang ng laban at agad binagsakan ang Kings ng 44 big points sa kabuuan ng unang quarter habang tanging 19 points lamang ang naipasok ng Sacramento.

Unti-unti namang binura ng Kings ang 25-point deficit at sa pagtatapos ng 3rd quarter, tanging 12 points na lamang ang natitira sa kalamangan ng Warriors.

Gayonpaman, muling humigpit ang depensa ng GS sa 4th quarter, at iniakyat ang lead sa 22 points, isang minuto bago matapos ang regulation. Tuluyang ibinulsa ng Warriors ang 19-point lead sa pagtatapos ng 4th quarter, 129-110.

Nanguna sa panalo ng koponan ang batikang guard na si De’Anthony Melton na kumamada ng 24 points. Bagaman hindi nakapagpasok si Melton ng anumang 2-point shot, umabot naman sa walo ang naipasok niyang 3-pointers sa loob ng 27 mins na pananatili niya sa hardcourt.

Hindi rin nagpahuli ang reserve forward na si Gui Santos na kumamada ng 22 points sa loob lamang ng 24 mins.

Hindi nasabayan ng Kings ang impresibong 53% overall shooting ng GS, kasama ang 20 3-pointers na ipinasok sa kabuuan ng laban. Dinumina rin ng koponan ang paint area at nagpasok ng 54 big points sa ilalim nito.

Sa pagkatalo ng Sacramento, panibagong double-double performance ang ginawa ng bigman na si Domantas Sabonis – 27 points, 10 rebounds.

Sunod na makakalaban ng GS ang Portland Trailblazers sa araw ng Sabado, Nov. 28, habang haharapin naman ng Kings ang Minnesota Timberwolves pagsapit ng Lunes, Nov. 30.