Nagkaisa ang Pilipinas at Singapore na pag-aralan at palakasin ang kanilang kooperasyon sa mapayapang paggamit ng nuclear energy sa ginanap na Singapore International Energy Week.
Sa ilalim ng kasunduan, magtutulungan ang dalawang bansa sa pagbabahagi ng kaalaman, pagsasanay sa mga nuclear professional, at pag-aaral sa mga makabagong teknolohiya sa enerhiya.
Saklaw din ng nasabing ugnayan ang pagpapalakas sa nuclear safety, kabilang na ang maayos na pangangasiwa sa fuel cycle at waste management.
Ayon sa Department of Energy (DOE), malaking pagkakataon ang mga pulong na ito upang matuto ang bansa mula sa international partners, mapalawak ang lokal na kasanayan, at mapaghandaan ang ligtas at responsableng paggamit ng nuclear energy bilang bahagi ng energy mix sa hinaharap.
Kasabay nito, nagkasundo rin ang Pilipinas at Singapore na palawakin ang kanilang pagtutulungan sa cross-border electricity interconnection upang masiguro ang mas matatag na suplay ng kuryente.














