Nasamsam ng Bureau of Customs–Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang kabuuang 42.884 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng tinatayang P291.61 milyon mula sa tatlong magkakahiwalay na shipment na nagmula sa Kenya at Malaysia.
Pinakamalaki umano ang nakumpiskang kontrabando mula sa shipment na galing Kenya na idineklarang naglalaman ng mga spare parts. Sa inspeksyon ng mga tauhan ng Customs, nadiskubre rito ang 39.418 kilo ng hinihinalang shabu.
Samantala, nakakuha rin ang mga awtoridad ng karagdagang 3.466 kilo mula sa dalawang shipment na nagmula naman sa Malaysia. Ang isa ay idineklarang naglalaman ng mga laruan at activity books para sa mga bata, habang ang isa pa ay naglalaman umano ng mga gamit pang-ehersisyo.
Ipinasa na ng BOC sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga sample ng nasamsam na substance para sa kaukulang pagsusuri sa laboratoryo upang matukoy kung ito ay ilegal na droga.
Patuloy namang isinasagawa ng mga awtoridad ang imbestigasyon kaugnay ng mga nasabing shipment.














