-- Advertisements --

Natanggap na ni Antonio F. Mendoza, isang dating overseas Filipino worker (OFW), ang kaniyang P14.3-milyong lotto jackpot mula sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Miyerkules, Nobyembre 25, matapos ang 12 taong legal na laban dahil sa nasunog niyang winning ticket.

Personal na iniabot ni PCSO General Manager Melquiades A. Robles ang tseke kay Mendoza sa tanggapan ng ahensya sa Mandaluyong City, dahilan upang maitala siya bilang kauna-unahang jackpot winner na naglantad ng pagkakakilanlan sa isang pormal na turnover.

Nag-ugat ang kaso noong Oktubre 2014 nang aksidenteng plantsahin at masunog ng kaniyang anak ang nanalong ticket na nagkakahalaga ng P12.39 milyon, na kalaunan ay kinatigan ng Supreme Court kasama ang anim na porsyentong taunang interes.

Laking pasasalamat ni Mendoza na itinuring ang premyo bilang maagang Pamasko at regalo sa kaniyang ika-59 kaarawan ngayong Huwebes, lalo na’t umuwi siya sa bansa nang baon sa utang at walang retirement pay.

Plano niyang gamitin ang napanalunang pera bilang retirement fund at puhunan sa maliit na negosyong buy-and-sell at pagkukumpuni ng sasakyan.